Si Dwendeng Ramos- ang Engkantasya’ s Junior Mastershef

Sariling likha ni Kael Pan

 


CHAPTER 1

 

Noong unang panahon, sa isang natatangi at mahiwagang kagubatan ng Engkantasya, Mahika at Salamangka Subdivision, sa Tabi- Tabi Po Street, katabi ng Nuno sa Punso Avenue, sa tapat ng isang malaki at 500 taon ng puno ng balete, makikita ang bahay na kabute ng isang masayahin at magiliw na batang si Dwendeng Ramos. (Tama, si Dwendeng Ramos ang bida ng kwentong ito, at AKO, ang butihin niyong tagapagsalaysay. Charot!)

Mahilig at mahal na mahal ni Dwendeng Ramos ang pagluluto. Kung kaya naman hawak niya ang titulo bilang Engkantasya’ s Junior Mastershef. Ang mga luto niyang tinapay at mga cakes ay siyang pinakamasarap sa buong kagubatan ng Engkantasya. Kaya naman, sa tuwi- tuwina ay nagsisik-sikan ang mga kaibigan nitong mga langgam at munting mga bubuyog sa kanyang bintana, upang tumikim ng kanyang mga apple pies. Ang mga kapwa kaibigan naman nitong dwende, ay nagpipista naman sa kanyang kusina sa mga luto niyang  strawberry buns at kapeng barakong hinaluan ng maraming gatas ng tamaraw made in Mindoro only.

Ngunit, isang nakakagutom na gabi, malamig at malakas ang buhos ng snow (wag ka may snow sa  kanila, sorry) tatlong magnanakaw na mga daga ang napadpad sa Engkantasya. Malalaki ang mga dagang ito, yung mga tipong kasinlaki ng mga pusa, yung mga daga na makikita natin sa mga estero at kanal sa mga squatters area. Nabubuhay sila sa pagnanakaw ng pagkain sa kapwa nila daga (nga naman oh, ang magnanakaw galit sa kapwa magnanakaw), at pangpepeste sa mga gamit ng mga tao (tulad na lamang ng butas kong medyas sa cabinet, bad- trip talaga ang mga daga kahit kailan noh?) Balik tayo sa kwento ko, ang mga dagang ito ay napakasama at tulad ng kanilang kulay, ay kay itim ang budhi, hambog, tamad, magaspang ang ugali at walang kinakatakutan — maliban sa mga pusang mas malaki sa kanila.

At dumating sa pangyayaring magsisimula ng kapighatian at kalungkutan ng ating munting bida: Naubusan ng pagkain ang mga kontrabidang daga. Ang tanging natira at bumulaga sa kanilang nakaw na sisidlan ng nakaw na pagkain ay isang tinik ng Bangus, balat ng Piattos at isang lata ng Ligo Sardines. Dahil sa bagong salta ang mga dagang ito sa Engkantasya, hindi pa nila alam kung paano sila raraket at paano mairaraos ang mahabang buwan ng tag- lamig. Isa sa mga daga, na tulad ng kanyang maitim na kulay at maitim na kaluluwa, ay may isa ring napakaitim na balakin.

“Halina’t pasukin natin ang bahay ni Dwedeng Ramos at ubusin natin lahat na kanyang mga imbak at nakatagong pagkain habang siya’ y mahimbing na natutulog at naglalaway. ”

Sumang- ayon naman ang kanyang mga kanyang kapatid sa pananampalataya na naniniwalang, ang ‘dagang nagigipit, sa pagnanakaw kumakapit’. Para- paraan lang para mabuhay. Napag- desisyunan nilang kay- itim nga ng  kanilang plano at nasiyahan sila dito. Kapag maitim kasi ang planuhin, lagi silang nagtatagumpay sa kanilang mga hangarin. Ngunit, wala man lang sa kanila ang napagtanto na paano na lamang si Dwendeng Ramos makaka- survive sa mahabang panahon ng taglamig ng walang anumang matitirang pagkain ni buto man lang ng paminta.

Sa kalagitnaan ng gabi ring iyon, dali- daling naghanda ang mga daga upang isagawa ang kanilang most evil plan, bitbit ang mga gamit nila sa upang mapasok ang bahay ng ating munting bida. Sa kabila ng malakas na snow, binagtas nila ang masukal na kagubatan at mula sa malamlam na liwanag ng nagtatagong buwan, ito ang siyang nagsilbing munting ilaw sa dilim ng ating mga bida- bidahang mga daga at kanilang pinilit looban ang tahanan ni Dwendeng Ramos. Dahil sa hirap silang masira at mai- unlock ang double padlock na pintuan at bintana, na may secret passcode pa at kung 7 ulit na magkamali, ay mag-i-initiate sa self- destruction mode na kasinglakas ng atomic bomb na ginamit nung World War II, pinili na lamang ng mga dagang ito na gumawa ng isang tunnel sa ilalim ng lupa upang doon dumaan at pasukin ang bahay ni Dwendeng Ramos.

At matapos ang 4 na oras, 35 minutes at 11 seconds, matagumpay din nilang napasok ang bahay ng ating bida. Pinuno nila ang dala nilang sako at mga bag  ng lahat ng uri ng pagkain na makita nila sa bahay nito- LAHAT maliban sa Reno Liver Spread at ampalaya, na siyang pinakaayaw ng mga choosy-ing dagang ito.

Kinabukasan, laking gulat at sobrang panlulumo ang gumising sa buong katauhan ni Dwendeng Ramos. Walang siyang ibang magawa, kundi ang umiyak nang makita niyang walang lamang pagkain ang mga kaldero’ t garapon at tanging natira lamang ay palaman na Reno Liver Spread at gulay na ampalaya. Subalit, napagtanto niyang walang magbabago sa kanyang pag- iyak at hindi siya mapapakain ng kanyang mga luha sa panahon ng taglamig. Kailangan niyang alagaan ang kanyang sarili, kung kaya’ t tinuyo niya ang mga luha sa kanyang mga mata, nilagay ang kanyang recipe book sa kanyang basket at umalis na upang maghanap ng trabaho kung saan siya ang pinakamahusay- ang pagluluto!

Malayo na siya sa kanyang tirahang kabute at sa kanyang paglalakbay sa kagubatan, naglipana rin ang mga gutom na nilalang na naghahanap ng makakain para sa taglamig. Delikado ang sitwasyon niya bagamat bata pa ay nag- iisa pa siya sa masukal na kagubatan. Sa paglalakad ni Dwendeng Ramos, napansin niya ang isang lobong sumusunod sa kanya, nanghilakbot siya at alam niyang hindi ang dalang recipe book nito ang pakay ng lobo, kundi ang kanyang batang karne. Naalala niya tuloy ang tsismis na mahilig daw sa sinampalukang dwende ang mga lobo, mas lalo tuloy siyang kinabahan. Isa lang ang nasa isip niya, ang tumakbo palayo sa lobong ito. At iyon nga ang kanyang ginawa, tumakbo siya ng tumakbo  at siya rin namgng paghabol sa kanya ng gutom na lobo. Salamat na lamang at nakahanap siya ng ligtas na pagtataguan sa butas ng isang putol na katawan ng puno ng mahogany, dito siya nanatili hangga’t sa makatakas siya sa paningin ng  lobong nais siyang kainin at gawing panahog sa sinampalukang ulam.

Palubog na ang araw ng lumabas si Dwendeng Ramos sa butas ng punongkahoy. Malungkot siyang umuwi pabalik sa kanyang malamig at walang pagkaing tirahan, nang salubungin siya ng dalawang munting ibon at  tinawag ang kanyang pansin.

“Dwendeng Ramos, may alam kaming naghahanap ng isang magaling tagapagluto”, ang masaya nilang pambungad, “si Tita Annabelle Drama, ang Bisayang engkantada, siya yung may- ari ng pinakamalaking bahay- panuluyan sa buong Enkantasya. Guesthouse yun para sa mga kumare niyang engkantada at mga diwata.”

Pinasalamatan sila ni Dwendeng Ramos, at nagtungo sa Bisayang nilalang na sinabi ng mga kaibigan niyang mga ibon nang masaya at may pag- asa.


CHAPTER 2

 

Nasunog na naman ni Trudis Pusa ang mga cakes. Pang- 117 na ulit na niya ito sa loob lang ng 1 oras, 15 minutes at 0.07 seconds, naubos na rin niya ang mga 18 sako ng harina at asukal sa kau-ulit niya. Tumataas na naman ang altapresyon ni Tita Annabelle Drama sa tuwing nakakaamoy siya ng amoy- tutong o anumang amoy- sunog, nauubos na daw ang oxygen sa hangin at puro amoy- sunog na lang daw ang kanyang nalalanghap sa buong bahay. Kaya naman pinalalayas na ng lola mong engkantada ang kaawa- awang pusa na si Trudis.

“NAKUUU ‘day, lumayas at maghanap ka na lang ibang trabaho ‘day, hindi ito luto- lutuan!!! Totoong buhay ‘to ‘day!!! ” Ang highblood na sermon ni Tita Annabelle Drama.

Ngunit san naman siya tutuloy at paano naman siya mabubuhay sa kagubatan sa gitna ng taglamig. Kaya naman, iyak siya ng iyak habang nagwawalis ng makakapal na snow sa pintuan ng bahay- panuluyan. At siya namang nadatnang drama ni Dwendeng Ramos nang sa wakas ay nakita narin niya ang bahay ni Tita Annabelle Drama, ang Bisayang Engkantada.

“Oy friend, huwag kang umiyak”, sabi ng ating bida, “Ako ang iyong konsensiya, este ako pala si Dwendeng Ramos, ang Engkantasya’ s Junior Masterchef. Hindi ako mayabang, nagsasabi lang ng totoo, alam mo yan, hmmnn! Haha! Biro lang ‘te, pinatatawa lang kita, masyado kasing pang- best actress yang pagluha mo ‘te. Huwag kang mag- alala pwede ka namang tumira sa bahay kasama ko, hindi na babalik ang mga pesteng daga kapag andun ka, siyempre matatakot yung mga dagang yun sayo, diba? Choosy pa ba ‘te?” Dahil sa narinig, ay napangiti na si Trudis Pusa at niyakap ang inakala niyang  kanyang konsensiya.

“Oy friend thank you ah, totoo ba yung sinabi mo na patitirahin mo ko sa bahay mo?” Sabi ni Trudis Pusa.

“Hindi, joke lang yun! Ayaw mo? Ayaw mo?” ang pabirong tugon naman ng Dwendeng Ramos. “Sige ka, magbago pa isip ko, ikaw din!”

“Ikaw talaga, ang joke, joke mo. Ang witty mo talaga”

“Malamang dwende nga ‘di ba, me dwende bang hindi masayahin ‘te? Mas joke ka pa nga sakin eh.”

“Weh, di nga? Haha.. Moving on, thank you talaga!” 

Nagtawanan lang ang dalawa, hahaha… ang saya nila, close agad sila! Ganun kadali!!!

Dali-daling bumaba ng hagdan si Tita Annabelle Drama nang malaman niya ang pagdating ni Dwendeng Ramos, narinig niya lahat ang tungkol dito, na siyang pinakamahusay magluto sa buong Engkantasya, at nais niyang hingin ang kanyang serbisyo na ipagluto ang mga bisita niyang mga diwata ‘t engkantada. Wala ng tanong- tanong, wala ng interview, tanggap agad! Kelangan pa ba nun? Bilang kabayaran, bibigyan ni Tita Annabelle Drama ng pagkain para panahon ng taglamig, ang nanakawang dwende at ang  pusang di marunong magluto, na siya namang sinang- ayunan ng dalawang bagong magkaibigan na kapwa kaypait ng sinapit bago ang turning point na ito.

“Ngunit kelangan nating magmadali mga inday,” sabi ni Tita Annabelle Drama, “Ang mga diwata ay laging mayroong handaan, at sadyang mga hardcore party rockers ang mga lola mo ‘dong at day at mamayang gabi ay kanilang parteh- parteh.” Kaya naman, habang inaayos at nagde-decorate ng bahay si Trudis Pusa ay abala naman sila Tita Annabelle Drama at Dwendeng Ramos sa paghahanda ng pagkain.

Ang mga engkantada at diwata ay tulog sa umaga, at tanging gumigising lang sa tuwing may mga bituin sa kalangitan. Mga nocturnal beings ika nga. At sa wakas, bumaba na sila sa bulwagang- pangtahalan. Tunay na kayganda ng kanilang mga kasuotan, kabog ang damit ni Tita Annabelle Drama at kay kinang ng kanilang mga pakpak na tulad ng mga paru- paro sa hardin. Kayrikit ng kanilang mga maamong mukha, ang mahahaba at kulot nilang mga buhok ay sumasaliw sa musika ng kasiyahan. Matapos ang ilang sandali, napuno na ng mga masarap na hapunan ang mga lamesang kabute ng bulwagan, at nagsaya ang mga panauhing ang mga enkatada’ t diwata hanggang sa kapaguran.

Samantala, nag- aayos at naghuhugas naman ng pinagkainan sila Dwendeng Ramos at Trudis Pusa. Kasama nilang kumain si Tita Annabelle Drama sa kusina at nag- chikahan tungkol sa mga buhay- buhay nila. Pagkatapos ng handaan, sabay ng malamig na simoy ng umaga, umuwi na rin sila Trudis Pusa at Dwendeng Ramos dala ang ibinigay na pagkaing sasapat sa kanila para sa taglamig.

 At lahat ay nagtapos ng masaya. Si Dwendeng Ramos at ang kanyang mabalahibong kaibigang si Trudis Pusa, ay magkasama na ngayong naninirahan sa bahay na kabute, sa tapat ng matandang puno ng balete. Kada- linggo ay nagta- trabaho sila para kay Tita Annabelle Drama at uuwi sila palagi na may dalang maraming pagkain. Wala narin ang mga pesteng dagang maitim ang kulay at may maitim na budhi, hindi dahil sa Reno Liver Spread, ampalaya’t alugbati ang laging natitira sa pagkain nila Dwendeng Ramos tuwing gabi, kundi dahil may malaking pusa ng nakatira doon ●

-wakas-

 

________________________________________________________________________________________

*Copyright 2013. All rights reserved. This material may not be published, broadcast, rewritten or redistributed without permission to the author/ blogger.